TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Thursday, June 04, 2026

Sa bawat tahimik na sandali

2 min readSa bawat tahimik na sandali, natututo akong huminga ng malalim, at maramdaman na ang mundo ay hindi nasusunog.
Profile picture of Jasmine Faye Peig

Published about 2 months ago on April 17, 2026

by Jasmine Faye Peig

SHARE

Main image of the post

(Artwork by Chelo Bacsal/TomasinoWeb)

SHARE

Lumaki akong iniisip na normal ang kaba.

Normal ang tahimik na paghihintay bago bumukas ang pinto. Normal ang pakikinig sa bawat yabag sa sala, sinusubukang hulaan kung anong klaseng gabi ang darating.

May mga gabing parang payapa, at may mga gabing parang may apoy sa hangin—kahit wala namang literal na sunog.

Bata pa ako noon, pero parang lagi akong handang tumakbo. Hindi ko alam kung saan, basta handa lang.

Hindi ko rin alam na may ibang paraan ng pamumuhay.

Sa bahay namin, mabilis magbago ang atmospera. Isang maling salita, isang maling tono, at parang may sumisindi ng apoy sa gitna ng silid. Kaya natuto akong maging tahimik. Natuto akong magmasid. Natuto akong hulaan ang emosyon ng iba bago pa nila ito sabihin.

Akala ko ganoon lang talaga ang mundo. Akala ko lahat ng bata ay marunong makinig sa pagitan ng mga salita.

Una kong napansin ang pagkakaiba sa bahay nina Annie, matalik kong kaibigan.

Tahimik doon. Hindi yung tahimik na parang may nagtatago ng galit, kundi yung tahimik na parang pahinga. May amoy ng nilulutong adobo sa kusina at may marahang usapan sa hapag.

Biglang may nabasag na baso.

“Uy, pasensya na po!”

Napalingon ako agad. Bago pa ako makapag-isip, kusa nang lumabas sa bibig ko ang mga katagang iyon.

Naghintay ako.

Parang naghihintay ng kulog pagkatapos ng kidlat. Parang may susunod na sigaw, o biglang titigas ang hangin sa loob ng bahay. Ngunit wala.

“Ay, okay lang ‘yan, Yanna,” sabi ni Tita Nani habang kumukuha ng basahan. “Baso lang ‘yan. Ingat na lang sa susunod.”

Sandaling tumahimik ang loob ko, pero hindi dahil sa takot, kundi dahil sa pagkalito. Napatingin ako sa kaibigan ko.

Parang normal lang sa kanya ang nangyari. Parang wala talagang dapat ikabahala. Doon ko unang naramdaman na may kakaiba.

May isa pang gabi na tahimik lang kami sa sala.

Naririnig lang ang ulan sa bubong.

“Sarap ng ganitong gabi,” sabi ni Annie.

“Tahimik lang.” dagdag pa niya. Napaisip ako.

“Hindi ba parang may mangyayari?” tanong ko.

“Anong mangyayari?”

Hindi ko rin alam kung paano ipaliwanag. Sanay lang ako na ang katahimikan ay parang babala. Parang may hinihintay na pagsabog.

Pero doon, sa gabing iyon, wala namang sumigaw. Walang pinto na biglang bumagsak. Walang apoy na sumiklab.

Ulan lang.

At katahimikan.

Doon ko unti-unting naisip na baka… hindi pala ganoon sa lahat ng bahay.

Habang tumatanda ako, unti-unti kong napansin ang mga sandaling hindi pala kailangang may kaba.

Ang pag-upo sa isang silid na walang tensyon sa hangin. Ang pakikipag-usap sa mga taong hindi kailangang hulaan ang galit.

Minsan, sinabi ko kay Annie: “Sa bahay namin, kapag may nabasag na bagay, may sumisigaw agad.”

Napakunot ang noo niya. “Hindi ba nakakatakot ‘yon?”

Sandali akong natahimik.

“Akala ko normal lang,” sagot ko.

Naalala ko tuloy ang sinabi sa akin noon.

“Kapag lumaki ka sa isang nasusunog na bahay, iisipin mong nasusunog ang buong mundo.”

Matagal ko ring pinaniwalaan iyon.

Pero habang mas nakikita ko ang mundo, mas nauunawaan ko ang isang simpleng katotohanan.

Hindi lahat ng bahay ay may apoy.

Hindi lahat ng gabi ay may sigawan.

At hindi lahat ng katahimikan ay babala ng bagyo.

“Alam mo,” sabi ko minsan sa sarili ko, halos pabulong, “baka hindi naman pala nasusunog ang mundo.”

Ngayon, habang tumatanda, naiintindihan ko na ang lahat ng takot at kaba noong bata pa ako ay bahagi ng aking paglaki.

Unti-unti, natututo na akong maniwala na hindi lahat ng bagyo ay para lamunin ako, at hindi lahat ng katahimikan ay banta.

Sa wakas, natututo na akong maniwala doon. Na may mga lugar na tahimik at ligtas, may mga tao na kayang magmahal nang hindi nananakot, at may buhay na maaari kong pagtiyagaan at mahalin.

Sa bawat tahimik na sandali, natututo akong huminga ng malalim, at maramdaman na ang mundo ay hindi nasusunog.

Katahimikan

Tahanan

Healing

Profile picture of Jasmine Faye Peig

Jasmine Faye Peig

Stories Writer

Jasmine Faye Peig, also known as Faye, is a stories writer at TomasinoWeb. What began as a simple hobby soon grew into a deep passion for storytelling. Her love for writing started in sixth grade when she discovered Wattpad — drawn in by the cheesy lines, cringey moments, and the thrill of high school romance that made her young heart race. Over the years, Faye’s writing evolved. While she no longer focuses solely on romance, she now explores the raw, real, and sometimes messy parts of life — shaping them into stories readers can see themselves in. Faye hopes to be remembered through the words she crafts — stories and poems meant for hearts that truly understand. Even in the darkest times, she believes words can help others find beauty, peace, and the quiet truth of being alive.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*