TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Thursday, June 04, 2026

Limang paalala bago ka magsimula muli

3 min readIto kasi yung pinaka-mahalagang paalala sa lahat—‘Wag mong kakalimutan kung bakit mo pinili yung program mo.
Profile picture of Lianne Claire Gumban

Published 6 days ago on May 29, 2026

by Lianne Claire Gumban

SHARE

Main image of the post

(Artwork by Charlize Tichepco/TomasinoWeb)

SHARE

“Hala… sigurado na ba kayo sa course na ‘to? Kung ako sa inyo… Mag-shift na kayo…”

‘Yan ang laging panakot sa amin ni Ate Celine noong orientation week pa lang namin sa UST.

Madalas, tuwing kasama niya kaming mga freshie, kung ano-ano ang sinasabi niya— na mahirap daw sa Communication, na kabahan na raw kami sa media law and ethics o kaya sa dami ng gagastusin namin tuwing kailangan mag-film sa mga susunod na proyekto namin. Ngunit ngayon, mas tahimik siya, parang ang lalim ng iniisip niya at hindi ko mawari kung anong dahilan nito.

“Hanna, tingin mo ba mahirap maghanap ng trabaho paglabas ko dito?”

Medyo natawa ako noong una kasi akala ko nagbibiro lang siya, kasi bakit siya ang magtatanong sa akin ng mga ganyang bagay? Akala ko ba hindi pa ganoon kadanas yung mga freshie kumpara sa kanila?

Pero nang hindi ako agad nakasagot, parang napahiya siya sa sarili niyang tanong. Umiling siya nang mabilis at pinilit na tumawa.

"Hay nako, ewan ko ba kung bakit sa'yo ko pa tinatanong 'yan," hinampas niya nang mahina ang balikat ko.

Bigla siyang humingi ng tawad kasi hindi naman daw dapat ako yung makakasagot no’n, lalo na’t siya yung senior na dapat mas nakakaalam kaysa sa akin.

"Ate Celine," tawag ko.

Hindi siya lumingon.

"Ewan ko ba," sabi niya na lang. Parang hindi ako narinig.

"Dati, ang linaw ng lahat. Makapasa ng USTET, makapasok sa priority program ko… pero ngayong papalapit na ang dulo, bigla pa akong natakot."

Hinarap niya ako at doon ko lang nakita kung gaano siya kapagod. Hindi yung pisikal na pagod. Yung ibang klase.

"Ang dami kasing tanong, Hanna. Saan ako mag-a-apply? Tatanggapin ba ako? Paano kung hindi pala sapat yung pinag-aralan ko? Paano kung… paano kung mali pala yung pinili ko tapos apat na taon na ang nakalipas?"

Nanahimik ako. Hindi dahil wala akong masabi, kundi dahil pinipigilan kong sabihin lahat nang sabay-sabay.

Nang hindi na niya kinaya ang katahimikan, tumayo siya at kunwaring aalis na. "Sabi ko na nga ba, mali yung nagtanong ako sa'yo. Hayaan mo na—"

"Hala, Ate Celine."

Napatigil siya. Nilingon ako.

"Seryoso ako ngayon, ha."

Umupo ulit siya, medyo nag-aalangan pero nakikinig.

"Huminga ka muna," sabi ko. "Tapos pakinggan mo 'ko."

Medyo nagulat siya sa tono ko. Siguro kasi bihira niya akong marinig na hindi nakangiti.

“Lima lang naman ‘to, madali lang siya tandaan”

Una, sulitin mo na yung mga araw mo ngayon.

Napakunot-noo siya. "Ang aga mo namang mag-goodbye, Hanna."

"Hindi sa gano'n!" sabi ko, sabay tawa nang mahina.

"Pero totoo kasi. After nitong graduation niyo, magkakaiba na kayo ng schedule ng mga kaibigan mo. Yung isa, night shift. Yung isa, mamaya nasa Makati o kaya mag-aabroad, tas ikaw nasa Alabang. "

Huminto ako saglit. "Yung iba sa inyo… ‘di ko na rin makikita nang madalas."

Hininaan ko yung huli. Medyo nagdrama. Napansin niya.

"Huy," sabi niya, hinampas niya ako nang mahina sa braso. "Ang clingy mo naman sa'kin."

"Ikaw kasi yung unang nanggulat sa'min dito! Wala na, attached na ako, huhu."

Pangalawa, 'wag mong kakalimutan yung excitement mo nung una kang pumasok sa unibersidad na ‘to.

"Wala naman na ako dito pagka-graduate ko?" tanong niya, medyo nalilito.

"Sa lahat, kasi– sa pag-a-apply, sa pagtatrabaho, sa panibagong umpisa," tumitig ako sa kanya. "Alam mo, kami ngang mga freshie, excited pa rin kahit araw-araw kaming nakikipagsiksikan sa elevator tsaka sa hagdan, kayo pa kaya?"

Tumahimik siya. Parang naalala ang sarili niya noong first year pa lang siya. Yung panahong hindi pa siya takot magkamali.

"Oo nga no," bulong niya.

Pangatlo, pasukan mo yung trabahong magugustuhan mo talaga.

"Hindi 'yung dahil mataas ang sahod, pero gigising ka araw-araw na mabigat ang pakiramdam mo," dagdag ko.

Medyo gasgas na yung mga ganitong paalala, pero naisip ko lang—iba yung pagod na galing sa trabahong gusto mo. Kahit magpuyat ka, kahit ma-stress ka, pagkatapos ng araw, hinding-hindi mawawala yung passion mo sa ginagawa mo. Pero yung trabahong kinuha mo lang kasi mas praktikal siya? Sa una ka lang gaganahan.

Pag matagal ka na, bigla mo na lang mararamdaman na nauubos ka.

"Wala namang masamang pumili ng praktikal," sabi ko. "Basta siguraduhin mong hindi ikaw yung mauubos sa huli.”

Pang-apat, magpahinga ka.

"Hanna, graduating ako. Sanay na akong walang tulog."

"Lalo na ngayon," giit ko. "Kasi pag nagtrabaho ka na, ibang klase na rin yung pagod. Yung tipong uuwi kang wala nang lakas para sa sarili mo. Kaya habang maaga pa, sanayin mo na yung katawan mong tumigil. Kahit sandali lang."

Tumingin siya sa akin nang matagal. "Parang ikaw yung ate, ah."

"Diba lang," nakangisi kong sabi. "Baliktad muna tayo ngayon!”

Panglima..

Dito ako tumigil nang bahagya. Hindi dahil mahirap sabihin, kundi dahil ayokong maging cheesy. Pero ito kasi yung pinaka-mahalagang paalala sa lahat—

‘Wag mong kakalimutan kung bakit mo pinili yung program mo.

Natahimik siya. Hindi ko na kailangang magbigay ng paliwanag.

Pinili niya ito hindi dahil sinabi ng magulang niya, hindi dahil madali. Pinili niya ito dahil ginusto niya ito.

At sa dami ng pinagdaanan niya sa apat na taon, nakalimutan na niya siguro kung para saan ba ang lahat ng pagod na iyon. Pero nandito pa rin siya. Ibig sabihin, may dahilan siya.

At sapat na iyon para magpatuloy.

Nang tumingin siya sa akin, medyo namumula ang gilid ng mata niya. Bago pa siya tuluyang mapaiyak, sinabihan ko agad na hindi.

Tumawa siya nang mahina, sabay punas sa gilid ng mata. Sabi niya, ang dami ko nang alam para sa isang freshie.

Siyempre, kami kasi yung naninibago pa.

Sila, sanay na— pero minsan, kailangan lang nila ng paalala mula sa mga nagsisimula pa lang.

Graduation

UST

Profile picture of Lianne Claire Gumban

Lianne Claire Gumban

Stories Writer

Lianne Claire Gumban is a Stories Writer for TomasinoWeb. Originally a journalist who loved to write about the more factual side of stories through news writing, Lianne developed a hobby of writing short stories and poems the moment she stepped into the city of Manila, even before officially becoming a Thomasian. Her works come from the little things—a fleeting feeling, a half-heard conversation, a piece of street art that somehow hits like a confession. And just like Love Limmy’s graffiti, she’s a bit lost in the city too — still a freshman, still stumbling through the chaos and charm of college life. She pours all that into her writing, whether it’s the spark of a crush, the headache of politics, or the pure fatigue of commuting– she hopes her words reach people who might be feeling the same weight. Maybe even offer a tiny spark of clarity, or comfort, on days when everything feels a little too loud.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*