Lord, Kayo na pong bahala sa akin. Tulungan, gabayan, at bigyan niyo po ako ng lakas. Sana po huli na ‘to. Napapagod na po ako… pero hindi ako susuko
Pangarap ko talaga ‘to, Lord.
Dinilat ko ang mga mata ko at tumingin kay St. Jude. Ilang simbahan na rin kaya ang napuntahan ko mula noong unang bar exam ko hanggang sa pangalawang subok ko ngayon?
Sabi nga nila, third time’s a charm. Pero, naniniwala rin ako na second time is a miracle in motion. Kaya kapit lang.
Bilang isang bar exam taker na malalim ang paniniwala at pangarap, naniniwala ako sa milagrong dulot ni St. Jude. Kahit ilang beses akong mabigo, hindi ko magawang tumigil.
Matapos magdasal ay pumunta ako sa prayer wall at nagsulat sa sticky note:
Makakapasa tayo, Carmen. Atty. Gonzales, HERE I COME!
Matapos magsulat ay nagsindi ako ng kandila. Sa susunod na magsisindi ako rito, isa na akong abogado. Pangako.
Kumain ako ng hapunan sa isang karinderya malapit sa simbahan at bumili ng paborito kong kape. Kaunting pahinga bago muling mag-rebyu.
Sa totoo lang, pagod na ’ko. May trabaho pa ako bukas. Pero hindi ako pwedeng sumuko.
Kailangan ko rin ng pera para sa sarili ko—pambayad sa renta, sa mga libro, at sa review center.
Pagdating sa apartment, nagpalit lang ako ng damit at dumiretso sa study area. Doon, tumambad sa akin ang salitang “Padayon!” na nakapaskil sa pader, kasama ang mga litrato ng mga kaibigan at mahal ko sa buhay. Nariyan din ang litrato ng tarpulin na kinuha ko noong una kong bar exam.
Nasa Maynila ako noon dahil sa trabaho. Sabado ang labas ng resulta, pero Biyernes pa lang ay umuwi na ako sa Bulacan dahil gusto kong kasama ang pamilya ko paglabas ng listahan.
Naalala ko pa, kagagaling ko lang sa simbahan nang lumabas ang resulta. Ilang beses na akong tinawagan ng mga kaibigan, pero pinili kong hindi pa tingnan. Gusto ko sa bahay na, sa harap mismo nina Mama at Papa.
Tahimik lang akong umuwi, may bahagyang kaba pero may kaunting pag-asa.
Pero mabilis din pala akong binawi ng realidad.
Pagbukas ng listahan, hindi ko nakita ang pangalan ko. Wala ang apelyido ko sa 2017 list of passers na inilabas ng Supreme Court of the Philippines.
Parang biglang gumuho ang lahat. Tumigil ang mundo ko habang pinipilit kong hanapin muli.
Baka may mali lang.. Baka may ibang listahan..
Pero wala talaga.
Ang tanong na ‘bakit ako?’ paulit-ulit sa isip ko gabi-gabi. Sa dami ng isinakripisyo ko, bakit hindi pa rin sapat? Sa dami ng tiniis ko, bakit hindi pa rin ibinigay? Hindi ko maintindihan. Hindi ko matanggap. Lahat ng tanong, lahat ng puwedeng isisi, lahat ng ‘sana’—dinamdam ko araw-araw.
Hindi lang sakit ang naramdaman ko, kundi hiya, pagdududa sa sarili, at matinding panghihina ng loob. Para akong nilamon ng katahimikan at patuloy na iniisip na paano kung hanggang dito na lang talaga ako?
"Proud na proud kami ng Papa mo sa 'yo, anak," sabi ni Mama. Pero alam kong malungkot siya. Alam kong hinihintay niya ito.
"Carmen, ayos lang 'yan. May susunod pa. Isa pa, hanggang pumasa ka," sabi naman ni Papa.”
Wala akong narinig na panunumbat mula sa kanya, pero ramdam ko ang bigat sa puso niya. Siyempre, pinag-aral niya ako sa *law school. *
Nahihiya ako. Alam kong umaasa siya.
Parang kalahati ng buhay ko, ibinuhos ko na. Lahat ng oras, lakas, at luha, isinugal ko para sa pangarap na maging abogado. Kaya nang hindi ako pumasa, parang gumuho ang buong mundo ko. Akala ko sapat na ang lahat ng ibinigay ko, pero hindi pa pala.
"Carmen, hangga't nandito kami ay hindi ka susuko. Isa pa ulit, o kahit ilang beses! Hangga't maging abogado ka! Walang susuko sa pamilyang 'to," biro ni Ate sabay ngiti.
Isang buwang mabigat. Pero mahal ko, eh. Hindi ko sinukuan. Kahit durog na durog ako, pinili kong buuin muli ang sarili ko. Kahit piraso lang sa bawat araw. Hinanap ko ang kahit kaunting liwanag. Nakinig ako sa mga kwento ng tagumpay at pagkatalo, humugot ng lakas mula sa mga yakap ng kaibigan at katahimikan ng pamilya.
Higit sa lahat, hindi lang ito para sa sarili ko, kundi para sa lahat ng kagaya kong piniling maniwala pa rin kahit ilang beses nang nasaktan. Para sa mga tinanggalan ng boses, para sa mga patuloy na lumalaban sa katarungan, at para sa mga iniwan ng sistema. Hindi ito basta pangarap lang. Isa itong panata.
Kaya’t kahit mahirap, kahit paulit-ulit akong mabigo, hindi ako titigil. Dahil ang laban na ‘to ay hindi lang para sa akin, para ito sa bayan.
Nagpahinga ako. Hindi dahil sumuko ako, kundi dahil kailangan kong huminga.
Pumunta ako sa Tagaytay, umakyat ng bundok, lumangoy sa La Union, at natulog nang mahimbing sa unang pagkakataon matapos ang matagal na panahon. Sa loob ng tatlong buwang iyon, pinili ko muna ang sarili ko. Pinili kong mabuhay at muling maniwala.
Hindi ako pumasa noon, pero hindi ibig sabihin ay tapos na ang laban. Hindi ako nakapasa, oo, pero hindi ako natalo.
Nag-enroll ulit ako sa review center, at heto ako ngayon, nasa huling buwan ng Agosto. Malapit na ulit ang bar.
"Good luck, bunso," mensahe sa akin ni Ate sa telepono.
Simple lang ang sinabi niya, pero ramdam ko ang dasal sa likod ng bawat salita.
Dumating na ang unang araw ng bar. Nasa loob ako ng sasakyan, katahimikan sa paligid, pero sa loob ko, naglalaban ang kaba, takot, at pag-asa.
Pagbaba ko sa UST, nakita ko agad sila Mama at Papa sa may tarangkahan. Halos manginig ang tuhod ko sa dami ng emosyon. Tinignan ko sila. Si Mama, tahimik pero ramdam ang panalangin. Si Papa, pilit ipinapakita ang tapang. Para ito sa lahat ng sakripisyong hindi nila binanggit, pero alam kong naroon palagi.
"Kaya mo 'yan, anak," bulong ni Mama habang pinisil ang kamay ko.
"Makakapasa ka, Carmen," sabi ni Papa, may ngiting puno ng tiwala.
Hindi naman ako palakapit sa kanila. Hindi kami sanay sa yakapan. Pero sa sandaling 'yon, niyakap ko sila, mahigpit, totoo, at puno ng panata.
Sa ikatlong araw na pagsusulit, ipinasa ko na lang talaga sa Diyos.
At kung sakaling hindi pa rin ako sapat sa mata ng mundo, sana naman, ngayong muli akong lumaban—pakinggan na ako ng langit.
Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin sa kabilang dulo ng laban na ito. Pero isang bagay ang sigurado.
Handa na ako.
Dahil minsan, kailangan mo munang mabigo para buong puso mong maipagdasal ang tagumpay. Kailangan mo munang masaktan nang husto, para sa oras na pagbigyan ka ay ramdam mo kung gaano ito kasagrado.
Kaya heto pa rin ako, umaasa. Isang hakbang pa. Isang laban pa. Sa susunod na pagkakataon, baka doon na ako pakinggan.
Dahil alam ko sa puso ko na hindi pa panahon, pero hindi rin katapusan.














Comments
Loading comments...
Leave a Comment