TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Thursday, June 04, 2026

Pareho pero hindi pareho

3 min readAng tunay na pagmamahal ay hindi natatakot. Ito’y lumalaban. Ito’y nagpapakatotoo, kahit masakit, kahit mahirap, kahit hindi maintindihan ng mundo.
Profile picture of Jasmine Faye Peig

Published 8 months ago on October 15, 2025

by Jasmine Faye Peig

SHARE

Main image of the post

(Artwork by Micah Angeline De Guzman/TomasinoWeb)

SHARE

“Mahal, tignan mo! Ang ganda, ‘di ba?!” Lingon ko kay Alex habang hawak-hawak ang heels na nabili ko sa ukayan sa Cubao.

Kanina lang kami pumunta roon para mamili ng mga kulang pa sa isusuot namin para sa Halloween party sa Sabado. Naimbitahan kasi kami ng mga kaibigan, kaya hindi na kami nagpalampas pa ng pagkakataon.

Martes pa lang ngayon, pero kailangan na naming magdesisyon kung ano ang susuotin. Gusto namin ni Alex na medyo matchy, dahil ito ang unang Halloween namin na magkasama.

Sa gitna ng lamesa, nakakalat ang aming mga guhit—mga papel na puno ng kulay, ideya, at takot.

Ang sketch ko para kay Alex ay isang makinang na gown na may mga detalye ng glitters at lace, isang towering wig, at matapang na makeup na may matalim na contour. Sa tabi nito, ang sa akin: isang asul na tuxedo, may bahagyang kinang sa lapel. Simple lang.

Tumingin siya sa akin at kaunting ngumiti.

“Magda-drag ka?” tanong ko habang ipinapakita ang disenyo na ginawa ko para sa kanya, pati na rin ang sapatos at ilang damit na binili ko.

Hindi siya agad sumagot. Napatingin lang siya sa sketch, saka dahan-dahang tumango.

“Full glam tayo, mahal, ha? Wig, heels, glitter! Lahat! Halloween na ‘to, dapat damhin!” masaya kong sabi sa kanya.

“Miko, ang ganda… pero sigurado ka ba? Ang daming tao. Baka masyadong… lantad,” sagot niya, pilit ang ngiti.

Simple lang kasi ang akin, nahihiya s’ya na baka raw masyadong kaming mapansin. Hindi dahil ayaw niya, kundi dahil may bahagi sa kanya na natutong magtago.

“Ayaw mo ba sa costume ko?” tanong ko.

Pinakita ko ulit ang sketches. Mga disenyo na alam kong bagay sa kanya, at higit sa lahat, alam kong gusto niya.

Ngumiti siya, pero may lungkot sa mga mata. Lumapit ako at tinitigan siya.

“’Yun nga ang punto, Alex,” sabi ko.

“Ito na ang pagkakataon para maging kung sino talaga tayo. Kung gusto mong maging drag queen, gawin natin. Ito na ‘yon, mahal.”

Hinawakan ko ang kamay niya. Gumanti siya ng mahigpit na hawak.

“Gusto ko talaga mag-drag,” mahinang sabi ni Alex, halos hindi ko marinig.

“Pero paano kung habulin tayo ng mata ng iba? Natatakot ako. Baka masyado tayong lantad… baka isipin nila, mali ‘to.”

Kumakabog ang dibdib ko, hindi sa takot, kundi sa sakit ng mga salitang binibitawan niya.

Hinawakan ko ang dalawang kamay niya, sabay tingin ng diretso sa mga mata niya.

“Alex, pakinggan mo ako.”

Napalunok siya, pero hindi umiwas.

“Walang mali sa’yo. Walang mali sa pagmamahal natin. Hindi kasalanan ang maging bakla.”

Napatigil siya. Para bang unang beses niyang marinig ang mga salitang ‘yon ng buo.

“Pero sabi nila—”

“Sabi nila kung ano-ano. Pero ang katawan mo, ang pagkatao mo, ang damdamin mo, lahat ‘yan, sa’yo. Hindi nila pag-aari. Hindi mo kailangan humingi ng paumanhin sa kung sino ka.” Bumuntong-hininga siya.

“Hindi ko alam kung kaya kong magsuot ng gown at ngumiti ng parang hindi ako tinutulak ng mundo palayo.”

“Kaya mo,” sabi ko.

“At kung hindi pa ngayon, nandito ako. Lalaban tayong dalawa. Hindi mo kailangang maging matapang mag-isa.”

Tumulo ang isang luha sa pisngi niya. Marahan ko itong pinunasan.

“Kung ito ang mali…” sabi ko, “Bakit dito ako pinakamasaya?”

Ngumiti siya, hindi buo, pero totoo.

Mahal ko siya. Hindi dahil sa kung anong anyo niya—mag-drag man siya o hindi, malambot man o tahimik—kundi dahil sa bawat bahagi niya.

Yung mga bahagi niyang ipinagmamalaki, at pati yung pilit niyang tinatago.

Hinawakan ko ang kamay niya. Hindi ko na kailangang sabihing ligtas siya sa tabi ko. Nandiyan iyon sa higpit ng hawak ko, sa paglapit ko sa kanya, sa pag-angat ko ng kanyang baba para magtama ang aming mga mata.

“Mahal,” sabi ko.

“Hindi naman kailangang pareho tayo. Mahal ko kung paano mo ipahayag ang sarili mo. Kung gusto mong simple, ayos lang. Kung gusto mong glam, suportado kita. Ang mahalaga, pareho tayong komportable.”

Tumingin siya sa akin.

“Alam ko, Miko. Gusto ko rin yung sinasabi mong costume, gusto ko bongga, gusto kong maging ako… Maging reyna.”

Humigpit ang hawak niya sa kamay ko.

“Kung gano’n, anong problema? Magkaiba tayo ng gusto, pero okay lang ‘yun. Ikaw, gusto mong ipakita ang pagkababae mo. Ako, gusto ko simple lang. Pareho pa rin tayo. Pareho tayong sabik sa Halloween. Pareho tayong nagmamahalan. Hindi kailangang pareho ang paraan ng pagpapahayag natin.”

“Pasensya ka na, Mahal…” mahinang bulong niya.

Doon ko lalo siyang naintindihan. Hindi ito tungkol sa panlabas na anyo, kundi sa kung sino kami sa ilalim nito—sa mga takot na dala namin, sa mga mata ng lipunang humuhusga sa kung anong dapat kaming maging. Sa mga inaasahang kilos ng isang ‘lalaki’ o ‘babae.’

“Alex, wala kang kailangang baguhin para sa akin. Hindi ko kailangang bigyan ka ng pangalan o anyo para mahalin ka. Ang mahalaga, ikaw ‘yong kasama ko.”

Ngumiti siya, at sa wakas, may liwanag na sa kanyang mga mata.

“Gusto ko rin talaga subukan yung ideya mo, Miko. Pwede bang dalawa ang costume?”

Natawa ako sa tuwa.

“Oo naman. Pareho pero hindi pareho. Mahal ko yung ikaw, hindi lang yung costume mo.”

Sa pagsasama namin natutunan ko na ang mahalaga ay hindi kung ano ang itsura mo sa mata ng iba, kundi kung gaano ka ka-komportable sa piling ng taong mahal mo. Kung paano ninyo tinatanggap ang pagkakapareho at pagkakaiba.

Natuto akong mahalin hindi lang ang bahagi ng taong dapat ipakita, kundi pati ang bahaging minsang tinatago dahil sa takot.

Hindi kailanman dapat ikulong ang pag-ibig sa anyong pinili lang ng karamihan. Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi natatakot. Ito’y lumalaban. Ito’y nagpapakatotoo, kahit masakit, kahit mahirap, kahit hindi maintindihan ng mundo.

Halloween

Costume

Drag

Profile picture of Jasmine Faye Peig

Jasmine Faye Peig

Stories Writer

Jasmine Faye Peig, also known as Faye, is a stories writer at TomasinoWeb. What began as a simple hobby soon grew into a deep passion for storytelling. Her love for writing started in sixth grade when she discovered Wattpad — drawn in by the cheesy lines, cringey moments, and the thrill of high school romance that made her young heart race. Over the years, Faye’s writing evolved. While she no longer focuses solely on romance, she now explores the raw, real, and sometimes messy parts of life — shaping them into stories readers can see themselves in. Faye hopes to be remembered through the words she crafts — stories and poems meant for hearts that truly understand. Even in the darkest times, she believes words can help others find beauty, peace, and the quiet truth of being alive.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*