Disyembre 20, 2015
Break na tayo, Mika.
Isang simpleng mensahe lang mula sa telepono ko. Walang drama, walang sigawan. Pero ramdam ko ang bigat nito.
Habang nakapila ako para bumili ng tiket pauwi ng Bulacan, dumating ang mensahe mula sa nobyo ko. Ilang linggo na rin kaming hindi nagkakaintindihan, at sa sobrang malas ko, ngayon pa niya piniling makipaghiwalay.
Hindi ko na alam kung ano ang mararamdaman ko. Masaya ba ako dahil pagkatapos ng finals exams tyaka siya nagsabi? O masasaktan ako dahil saktong Christmas break, at sa telepono lang niya sinabi, para hindi na kami magkita?
Pilit kong inintindi ang nangyari, bigla na lang tumulo ang mga luha ko. ‘Yung tipong pa-simpleng punas ng mata, kunwari tinamaan lang ng usok o kaya napuwing kahit walang hangin.
“Otsenta neng!” sigaw ni kuya sa akin.
Unang bakasyon ko sa kolehiyo, pero heto ako, iniwan ko ang unang puso kong nabasag—sa ticketing booth mismo, sa pila ng terminal, sa pagitan ng amoy ng bagong lutong mani at malamig na hangin ng Disyembre.
Disyembre 19, 2016
Nakaupo ako sa bus, tahimik na hinihintay na mapuno ito habang sumasayaw ang mga Christmas lights sa bintana. Sa wakas, makakauwi na rin ako. Ito ang simula ng pangalawa kong Christmas break—mas payapa, mas magaan.
Tulad ng dati, wala nang makikipaghiwalay sa akin pauwi.
Isang taon na ang lumipas, dala hindi na mga sugat kundi mga aral. Mas malakas na ako ngayon, hindi dahil wala nang sakit, kundi dahil tinanggap ko na ang mga bagay na hindi ko kontrolado.
Napatingin ako sa telepono nang may notification mula sa Canvas. Alam ko na iyon ang grado sa isa kong finals exam. Sandali akong nagdalawang-isip kung titignan ko ba ito o iiwasan na lang para manatili sa katahimikan.
“Parang awa niyo na…” bulong ko sa sarili, may halong takot at pag-asa.
Binuksan ko ang resulta.
Bagsak. Hindi ako nakapasa.
Hindi ko inasahan, pero ‘yun ang katotohanan. Parang bumagsak din ang puso ko, kasabay ng markang iyon.
Habang pinagmamasdan ko ang mga taong nagmamadali sa paligid, ramdam ko ang susunod na iiwan ko sa Cubao—isang mabigat na bahagi ng sarili ko: ang pagkabigo, ang panghihinayang.
Pero hindi ako papayag na dito na lang matapos ang Disyembre ko.
“Babawi ako, pangako,” bulong ko sa sarili, puno ng determinasyon.
Disyembre 17, 2017
“Cubao po, isa, estudyante!” sigaw ng pasahero habang inaabot ang bayad.
Halos hindi marinig dahil tinatabunan ng malakas na tugtog mula sa speaker ni kuya tsuper—Christmas remix ng “Jingle Bell Rock” na parang bwelo sa simbang gabi.
Sa loob ng jeep, siksikan ang mga pasahero na may bitbit na regalo, paper bags, prutas, at mga parol na halatang bagong bili lang sa tabi.
Galing ako sa internship. Nakasuot pa ako ng polo na may logo ng kumpanya, may nakasabit pang ID na may pangalan ko. Pagod, puyat, at gutom, pero habang pinagmamasdan ko ang mga Christmas lights na kumikislap sa bintana ng jeep, may kung anong gaan na sumusulpot sa dibdib ko.
“Pasko na talaga…” bulong ko, halos hindi marinig ang sarili dahil sa lakas ng tugtog.
“Aba, hija, sa’n ka uuwi?” tanong ng ale sa tabi ko, may lambing ang boses.
“Sa probinsya po, Christmas break,” sagot ko, pilit na ngumiti.
“Ay buti ka pa! Naku, mga kabataan ngayon ay puro trabaho, aral, lahat sabay. Pero kaya mo ’yan. Pagod lang ’yan, huwag kang susuko,” sabi niya sabay tapik sa braso ko.
Napatawa ako nang mahina. “Sana nga po, ‘nay. Konting tiis pa.”
Sa gitna ng tunog ng kampana mula sa kantang pinapatugtog, mga nag-uusap na pasahero, at malamig na hangin galing sa bukas na bintana, parang biglang gumaan ang loob ko.
Hindi naman perpekto ang lahat, pero proud ako sa sarili ko. Kahit pagod, kahit minsan gusto ko nang sumuko, tumayo pa rin ako at nagpatuloy.
Biglang tinaasan ni kuya ang volume. Doon, sa loob ng jeep na puno ng mga regalong naka-supot, mga parol na hawak ng mga pasahero, at mga mukhang sabik makauwi, iniwan ko ang maliit kong tagumpay—paalala na kahit walang bonggang medalya o tropeo, may halaga ang bawat pagod, puyat, at luha.
Sa dami ng ingay, ilaw, at kwento, naalala ko na kahit gaano kagulo ang buhay sa Maynila, may uuwi at uuwian pa rin akong tahanan.
Disyembre 15, 2018
Ilang buwan na lang bago ako tuluyang makapagtapos ng kolehiyo.
Sa huling pagkakataon na nandito ako sa Cubao ngayong taon, ramdam ko na ito na ang huling Christmas break ko bilang estudyante. Ilang linggo na lang, magsusuot na ako ng toga; ilang tulog na lang, magmamartsa na rin ako. Wala nang masyadong quizzes, finals, at tambak na readings.
Heto ako ngayon, nakaupo sa terminal, habang malamig ang simoy ng hangin at kumukutitap ang mga Christmas lights sa bawat poste.
“Ma’am, mainit-init pa! Bibingka, puto bumbong!” sigaw ng tindera sa gilid.
Napangiti ako. Namiss ko ’yun.
May batang tumatakbo sa harap ko, bitbit ang isang maliit na parol.
“Papa, tingnan mo! Ang ganda!”
“’Wag kang lalayo, anak, baka malaglag,” sagot ng tatay na halatang pagod pero masaya.
Sa kaliwa ko, magkasintahang hawak-kamay, may bitbit na mga kahong pangregalo.
“Love, bilis, baka maubusan tayo ng upuan sa bus,” bulong nung babae.
“Relax, Pasko naman. Lahat tayo uuwi,” sagot ng lalaki sabay tawa.
Habang pinagmamasdan ko sila, ramdam kong hindi lang sila basta-basta pasahero. Para silang mga paalala ng mga buhay at yugto ng sarili ko. Minsang tumakbo, nalito, nagmahal, napagod, pero palaging umuuwi.
Dito ko iniwan ang sarili kong estudyante—iyong babaeng laging may planner sa bag, lagi ring nagmamadali sa pila ng UV, nakikinig sa Cup of Joe habang naglalakad sa pasilyo ng UST, kumakain ng kwek-kwek kapag gutom, at minsang umiyak habang hawak ang modyul.
Iniwan ko siya rito, sa gitna ng ingay ng terminal, sa amoy ng puto bumbong at kumukulong mais, sa mga bus na paalis at dumarating, sa mga parol na kumikislap na parang sinasabi, “Tuloy lang.”
Huminga ako nang malalim.
“Oh, hija, kamusta? Malapit ka na bang grumaduate?” tanong ng manong gwardiya, na apat na taon ko nang nakakasalubong dito sa terminal—parang naging tahimik na pamilyar sa bawat pag-uwi ko.
“Opo, kuya. Ilang buwan na lang,” sagot ko.
“Aba, congrats in advance! Iba ang Pasko kapag may inaabangan na tagumpay,” sabi niya sabay ngiti.
“Salamat po,” sagot ko. At doon, parang may kung anong gumaan sa dibdib ko. Hindi madali ang magpaalam sa isang bahagi ng sarili, pero kailangan ko. Parang dekorasyon sa Pasko na kailangan mong bitawan para bigyang-daan ang bago.
Napangiti ako, hindi dahil alam ko ang susunod na mangyayari, kundi dahil sa wakas, handa na akong malaman.
Sa terminal na ito, naramdaman ko ang lahat—sakit, saya, pagod, pagkasabik, tagumpay, at pagkatalo.
Dito rin ako paulit-ulit na bumabalik, hindi para habulin ang nakaraan, kundi para ihanda ang sarili sa mga darating.
Sa bawat pagdaan ng oras, dito ako palaging babalik. Hindi para ulitin ang kwento, kundi para dalhin ang lakas na natutunan ko. Papunta sa bagong kabanata ng buhay. Sa Paskong mas tahimik, mas payapa, mas ako.














Comments
Loading comments...
Leave a Comment