TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Thursday, June 04, 2026

Hindi pa rin katapusan, kundi simula

3 min readSa bawat hakbang ng pagod, dasal, at luha, napatunayan kong may mga panalangin na hindi agad sinasagot, pero hindi kailanman kinakalimutan.
Profile picture of Jasmine Faye Peig

Published 4 months ago on January 24, 2026

by Jasmine Faye Peig

SHARE

Main image of the post

(Artwork by Elisse Denell Arzadon/TomasinoWeb)

SHARE

Pinili kong mamuhay nang may kapayapaan.

Hindi ko hinayaang lamunin ako ng takot tulad ng dati. Nagpatuloy ako sa trabaho, umuuwi sa probinsya kapag may pagkakataon, umaalis kasama ang mga kaibigan, at lumalabas ng bansa kapag may kaunting ipon—hindi para tumakas, kundi para huminga.

Ngayon, marunong na akong tumanggap. Marunong na rin akong maghintay. Hindi na ako tinatalo ng kaba. Ang mahalaga, alam kong ibinigay ko ang lahat ng kaya ko.

"Saan ka na?" tanong ni Ate habang pauwi ako ng Bulacan.

Ngayon ang araw ng resulta. Sa pangalawang pagkakataon, pinili ko pa ring harapin ito kasama ang aking pamilya. Hindi dahil sigurado ako, kundi dahil sa kanila ko gustong unang mahulog kung sakaling masaktan muli.

"Nandito na," sabi ko, pilit pinapakalma ang sarili.

Tulad ng dati, may tarpulin na naman. May nakalagay na "Atty." kahit hindi pa namin alam ang totoo.

Binuksan ko ang resulta.

"Lord, kayo na po ang bahala," bulong ko, nakapikit, halos hindi makahinga.

Pagdilat ko, agad kong hinanap ang apelyido ko. Tumatakbo ang isip ko, nanginginig ang kamay.

GONZALES, Carmelita Nate

Sandaling tumigil ang mundo.

Umiiyak si Ate nang tinignan ko siya. Si Mama, paiyak na rin. Tapos, tinignan ko si Papa, umiiyak rin.

Pasado ako.

"Congrats," bulong ni Ate, nanginginig ang tinig.

"Sabi ko sa 'yo, eh!" sigaw naman ni Mama.

Tapos, si Papa, bigla akong niyakap.

"Ang galing mo, anak."

Apat na salita lang, pero biglang bumuhos ang luha ko.

Hindi lang ito pagkapanalo, ito ang pagbawi sa lahat ng sakit, pagdududa, at pangarap na muntik ko nang bitawan.

Sa bawat hakbang ng pagod, dasal, at luha, napatunayan kong may mga panalangin na hindi agad sinasagot, pero hindi kailanman kinakalimutan.

Sa tamang oras, sa tamang dahilan.

Hindi ito ang katapusan. Ito ang simula.

Napatingin ako sa tarpulin. Ngayon, totoo na ang nakasulat:

Atty. Carmelita Nate S. Gonzales.

Abogado na ako.

Kinabukasan, nagising ako na parang may kulang. Wala na ang bigat sa dibdib na matagal kong binuhat, pero kapalit nito ay isang kakaibang katahimikan. Hindi na ako kinakabahan. Hindi na rin ako umiiyak. Para bang sa wakas, pinayagan na akong huminga nang buo.

Tinignan ko ang pangalan ko sa listahan. Paulit-ulit.

Hindi dahil baka mawala, kundi dahil gusto kong siguruhing totoo.

Naalala ko ang lahat ng bersyon ko bago ang araw na ito: ang babaeng umiiyak sa simbahan, ang estudyanteng nanginginig sa harap ng exam booklet, ang anak na pilit ngumingiti kahit bagsak ang puso.

Kung pwede ko lang silang yakapin isa-isa, gagawin ko. Sasabihin kong: “Salamat. Dahil hindi kayo sumuko.”

Sa oath-taking, nakatayo ako kasama ang daan-daang pangalan—iba’t ibang kwento, iba’t ibang sugat, pero iisang panata. Habang inuulit ko ang mga salitang binitiwan ko noon pa man sa dasal, biglang bumalik ang alaala ng sticky note sa prayer wall.

Makakapasa tayo, Carmen.

Ngumiti ako.

Tinupad ng langit ang pangako, hindi sa oras na gusto ko, kundi sa oras na handa na ako.

Pagkatapos ng seremonya, hinanap ko agad sina Mama at Papa. Hindi na nila kailangang magsalita. Sa mga mata nila, nakita ko ang lahat ng hindi nila kailanman sinabi, ang puyat, ang pangamba, ang tahimik na paniniwala na kahit ilang beses pa akong bumagsak, may babangon pa rin.

“Attorney na ang bunso natin,” sabi ni Ate, sabay tawa at iyak.

Pero alam kong hindi doon nagtatapos ang laban.

Dahil ang titulo ay simula pa lang.

Ang tunay na pagsubok ay kung paano ko dadalhin ang pangarap na ito sa mundo.

Kapag napapagod ako ngayon, hindi ko na tinatanong kung kaya ko pa ba.

Ang tanong ko na lang ay: Para kanino ko ito ginagawa?

Para sa batang naniniwalang may hustisya. Para sa mga tinig na hindi naririnig. Para sa sarili kong minsang halos mawalan ng pag-asa.

Kung may isang aral akong dadalhin habambuhay, ito ‘yon: May mga panalangin na hinihintay ang tibay ng loob mo bago sagutin. May mga pangarap na kailangang dumaan sa apoy bago maging totoo.

Hindi pala late ang Diyos.

Hinahanda lang pala Niya ang puso mo para sa bigat ng biyaya.

Kaya ngayon, kapag tinatanong nila kung paano ko nalaman na ito na ang tamang panahon, simple lang ang sagot ko: Dahil dumating ito, nang buo na ako.

Hindi pa rin ito ang katapusan. Ito ang simula ng paninindigan.

Sa bawat hakbang ko bilang abogado, dala ko pa rin ang panalanging minsang binulong ko sa isang tahimik na simbahan—“Lord, kayo na po ang bahala.”

Ngayon, alam ko na.

Hindi Niya ako pinabayaan.

Bar Exam

Attorney

Second Take

Bar Passer

Profile picture of Jasmine Faye Peig

Jasmine Faye Peig

Stories Writer

Jasmine Faye Peig, also known as Faye, is a stories writer at TomasinoWeb. What began as a simple hobby soon grew into a deep passion for storytelling. Her love for writing started in sixth grade when she discovered Wattpad — drawn in by the cheesy lines, cringey moments, and the thrill of high school romance that made her young heart race. Over the years, Faye’s writing evolved. While she no longer focuses solely on romance, she now explores the raw, real, and sometimes messy parts of life — shaping them into stories readers can see themselves in. Faye hopes to be remembered through the words she crafts — stories and poems meant for hearts that truly understand. Even in the darkest times, she believes words can help others find beauty, peace, and the quiet truth of being alive.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*