“Pwede ba akong tumawag?”
“Oo naman. Ikaw ‘yan, eh,” sigaw ng loob-loob ko, pero ang totoo, baka hindi muna.
Wala kasi akong sariling kwarto.
Pero kung ayos lang sa’yo, pwede naman tayong manood ng pelikula, hindi nga lang nakabukas ang kamera’t mikropono ko. O kung gusto mo ng kausap, pwede naman kitang panoorin sa screen habang tinitipa ko ang mga gustong sabihin sa ilalim ng kumot. ‘Wag kang mag-alala, mabilis ang kamay ko na ilipat sa ibang app kung sisilip man ang nanay ko.
Pasensya ka na, wala kasi akong sariling kwarto.
Noong Hunyo’t Hulyo, habang ang iba ay nagbabalak umalis at magpakasaya, ako naman ay hirap makahanap ng oras para sa sarili. Kailangan kasi ng taga-bantay ng bahay dahil lahat sila ay may trabaho, taga-sama rin ni lola papuntang ospital, at tagaluto paminsan-minsan ng hapunan.
Kaya madalas, mas pinipili ng katawan kong damhin ang katahimikan ng madaling-araw sa loob ng kwarto na may kasa-kasama ako. Sa mga oras kasi na ‘yun, wala akong kailangan gawin, patunayan, at itago. Bukod sa baka mahuli akong gising ng alas kwatro, wala nang iba pa akong kailangan alalahanin.
Madalas ay dalawang bagay lamang ang ginagawa ko tuwing sila’y tulog na.
Una, nagbubukas ng kloset para hanapin ang kahong may maliit na bahagharing sticker. Dahan-dahan ko itong binubuksan, at bumubungad sa akin ang mga regalong iniwan mo: mga pinatuyong bulaklak, ilang litrato, mga liham na paulit-ulit kong binabasa hanggang sa nakabisado ko na ang sulat-kamay mo.
Sa kwartong hindi akin, dito sa loob ng kloset ako may sariling espasyo. Maliit lang, pero sapat na para itago ang mga bagay na hindi ko pa mailalabas sa liwanag ngunit gusto kong manatiling akin.
“Iniisip ko na maghintay sa susunod na espesyal na araw na magkasama tayo para ibigay ito, pero sa araw-araw na magkasama tayo ay espesyal para sa akin.”
Isa ito sa mga paborito kong linya mula sa isang liham mo. Sa katahimikan ng gabi, habang nakaupo ako sa sahig, para bang lumalaki ang espasyong ito na parang kaya nitong paglaanan ang sarili ko at ikaw.
Pangalawa, matapos kong ibalik ang kahon sa kloset, hihiga ako at hahayaang lamunin ng imahinasyon. May tatlong eksena akong paboritong ulit-ulitin na parang awtomatikong pampatulog ko bawat gabi.
Una, paano kung isa akong magaling na manunulat sa publikasyon, at ikaw ‘yung kailangan kong interbyuhin? Magaling kang atleta, o kahit isa ka sa mga boses na nagpapahiyaw ng Go Uste! mula sa taas. Hindi man kita kailangang interbyuhin nang diretso, pareho tayong naroon sa arena. Magkakatinginan sa gitna ng hiyaw, ngingitian ang isa’t isa dahil alam nating may kwento tayong naghihintay matapos ang laro. At pagkatapos nito, sabay tayong kakain ng hapunan.
Doon nagsisimula ang pangalawa: hindi na kailangang may trabaho para magkita tayo. Ang pangarap lang ay makita’t makasama kang kumain sa gabi, kahit walang ibang dahilan kundi gusto lang talaga kita makita.
“Busog na ‘ko,” sabi mo.
“Busog na rin ako,” sagot ko habang nakatitig sa mukha mo. Busog ang tiyan sa pagkain na pinagsaluhan natin, busog ang mga mata sa bawat tingin sa’yo, at busog ang puso dahil kasama kita.
Kapag umabot na sa puntong ito ang utak ko, napapangiti ako sa ilalim ng kumot. Nakakatawa ‘di ba? Ang taas ng lipad ng isip ko. Kaya ‘yung pangatlo, sinimplehan ko na lang.
Ang matawagan ka mula sa sarili kong kwarto. Ang mahalin ka na hindi nagtatago.
Kapag ito na ang eksenang umaandar sa isip ko, hindi ko alam kung anong ngiti ang meron ako. Hindi ko alam kung masaya ba ako dahil kahit sa imahinasyon lang, natatawagan kita, nakikita mo ako kahit wala akong ayos, at naririnig mo ang boses ko.
“Bukas ulit,” halos pabulong kong sabi, dahil nakatulog ka na sa kabilang linya. Saka ko dahan-dahang pinutol ang tawag para hindi ka magising.
Ngunit kasabay ng ngiti ko, may bigat din. Dahil sa iba, o baka pati sa’yo, ang liit ng pantasyang ‘to.
Pero sa katulad kong walang sariling kwarto, napakataas na nito.
Ngunit kahit anong lambing ng imahinasyon, darating din ang antok. Sa paggising kinabukasan, babalik ako sa mundong hindi ako isang magaling na manunulat, hindi ako pwedeng lumabas sa gabi, at mas lalong hindi pa kita matatawagan dahil wala pa akong sariling kwarto.
Noong bakasyon, hinihiling ko na dumating na ang Agosto. Madalas kasi ay doon kita nakakasama at kahit isang oras lang tayo magkita, sapat na.
Kung magpapaalam man ako umalis kasama ka, pasensya ka na, kaibigan lang muna ang pakilala ko sa’yo sa pamilya ko. ‘Wag ka mag-alala, pinangako ko sa sarili ko na darating ang araw na mapapakilala rin kita sa totoong tayo.
Hindi man nila kailanman sinabi nang direkta, pero ramdam ko ang bigat na dala na parang may hangganan sa mga nais kong gawin. Nakakabit na rito na bawal muna humingi ng marami, bawal muna ang relasyon, at mas lalong bawal ang ganitong klaseng pagmamahal.
Kaya noong unang beses akong nakapasok sa kwarto mo, parang bumagal ang lahat. Wala akong bitbit kundi sarili ko, pero ang bigat. Ang bigat ay kadahilanan na nahihiya ako, hindi dahil kasama kita sa kwarto mo, kundi dahil hindi ko ito mapaparanas sa’yo. Hindi kita madala sa bahay, dahil bawal ang bisita, mas lalo na’t bawal tayo sa mata nila.
Pasensya ka na, wala rin tayong espasyo doon, wala kasi akong sariling kwarto.
“Ganito pala ang may sariling kwarto?” mahina kong sambit.
Siksik ang katahimikan sa loob na parang sinasadya akong ilayo sa gulo. Katulad nito ang katahimikan sa tuwing nakabukas ang kloset at nakaupo ako sa harap nito.
Alam kong hindi perpekto ang buhay mo, may mga problema at tahimik na responsibilidad ka na hindi nakikita ng iba ngunit may isang bagay na naiiba sa ating dalawa—may sarili kang kwarto. Pero salamat, dahil niyakap mo ako matapos mong isara ang pinto. Sa yakap mo, parang nawala lahat ng pagod at takot ko.
Hindi ako naiinggit. Masaya ako dahil sa espasyong dapat sa’yo lang, sinigurado mong may lugar ako kahit kakatapak ko pa lang.
Sa bawat bisita ay napagtanto ko na ayos lang pala na may kasama ako sa kwarto, basta ikaw.
Pero pasensya ka na, hindi na ‘yun posible.
Lalo na ngayon na wala na tayo.
Alam kong kahit hindi tayo nagtagal, hindi ka dumaan sa buhay ko nang walang kabuluhan.
Ikaw ang unang nagturo sa akin na hindi kailangang malaki ang mundo para maramdaman na may lugar ako. Minsan, sapat na ang isang maliit na sofa sa kwartong may kulay lila na pader at isang taong marunong maghintay kahit alam niyang hindi pa ako pwede.
Balang araw, kapag may sarili na akong kwarto, mamahalin ko ito nang lubos. Doon ko bubuuin ang mga pangarap na matagal kong ikinubli sa dilim ng kloset ko.
Dahil minsan, sa isang kwarto na hindi akin, tinanggap at minahal ako nang totoo.
Pinaniwala akong may karapatan akong mangarap, kahit mabigat ang mga responsibilidad sa bahay, kahit na iba ang tingin ng mundo sa atin.
Kaya salamat, dahil tinanggap mo ako, kasama lahat ng pagkukulang at katotohanan na hindi ako makakatawag, hindi palaging makakapunta, at kailangang unahin ang mga responsibilidad sa bahay.
Kaya natutunan ko rin tanggapin na darating ang araw na kailangan mong umalis, at walang sinuman ang may kasalanan.
Dahil sa’yo, may sarili na akong puwang. Kahit wala ka na, kahit wala pa akong sariling kwarto.
Agosto na. Habang-buhay kitang pasasalamatan sa pagtanggap sa akin noong kloset lang ang meron ako sa loob ng kwartong hindi akin.














Comments
Loading comments...
Leave a Comment