Nakakasulat lang ako kapag ikaw ang dahilan. Para bang tinta ng lapis ko ang bawat alaala mo.
Ngunit sa tuwing kaharap na kita, natutuyo ang mga salitang gustong sabihin; nauubos ako sa harap ng tanging taong pinagmumulan ng lahat ng nais kong ipahayag.
Kaya sinusulat ko na lang.
-
Kung sabi nila’y nakaukit sa palad ang patutunguhan ng ating buhay—ang iyo ay nakaukit sa balat mong dumaan sa dating sugat. Sa ilalim ng hinlalaki mo, naroon ang peklat na nagsisilbing marka ng pagkakakilala ko sa’yo. Sa magaspang mong kamay, naroon ang natatanging ikaw.
-
Hindi ko mapunto ang dapat na salitang bibitawan ko tuwing kausap ka. Dahil ang tumayo sa harap mo ay kailangang may matulis na dila—tumutumpak sa tamang gamit ang pinipiling ipahiwatig. At wala pang tatlong segundo, nabuo mo na ang buong argumento tumalo sa akin.
-
May dala ka palaging payong na parang paalalang may hangganan kahit sa mga sandaling magkalapit tayo. Kahit magkasama sa ilalim nito, pansin ang distansyang kasingnipis ng ulan. Sapat na para hindi mabasa, ngunit hindi kailanman sapat para magdikit ang balat.
-
Sabi mo, para lang sa mahahalagang bagay ang bawat kuha ng litrato. Nahuli kitang itutok ang lente sa’kin—pero bakit parang ayaw mong aminin? Sa bawat pitik mo, gusto kong malaman kung tinitignan mo ba talaga ako, o isa lang akong silweta sa gilid ng mga bagay na pinipili mong huwag bigyang-liwanag.
-
Sa bawat patak ng luha at daloy nito sa pisnging gusto kong abutin, lagi itong lumilipas bago pa man maabot. Walang lugar ang palad ko sa mukha mo, pero nananatili sa akin ang pagnanais na maabot hindi lang ang pisngi mo, kundi ang kaluluwa mong matagal ko nang sinusubukang kilalanin.
-
Dala mo sa iyong balikat ang bigat ng responsibilidad na iniatang sa’yo. Mula pagkabata, ikaw ang binubuo bilang eredero ng pamilya mo. Subalit ikaw ang kumuha ng tikas ng iyong ama at muwang ng iyong ina, kaya’t nakikita nila ang mas magandang bersyon nila na kaya mong makamit. Nakikita ko ring sinusubukan mo kahit na ika’y pagod na at kailangang pumikit.
Sinusulat ko ito ngayong alas-dose ng gabi.
Tulog na ang lahat; ako na lamang ang nanatiling mulat, sinusulat itong mga nais na iyong marinig. Tanging lapis at papel ang nakakaalam ng mga salitang hindi mabanggit sa isa’t isa, at tanging buwan lamang ang saksi sa tinatago kong tinta.
Subalit pati ang buwan ay naglilihim sa akin, nagtatago siya sa likod ng ulap upang hindi ko makita ang taglay niyang liwanag. Sa ilalim ng higanteng buwan, doon matatagpuan ang pusong sumisigaw sa hangin—na kahit sa iisang langit tayo nakatingala, walang oras na ang mata natin ay magkikita.
Siguro sa gasuklay na buwan na lang ako aasang may pagkakataon kang maging akin.
















Comments
Loading comments...
Leave a Comment