Malapit na ang Pasko.
Tuwing sasapit na ang Disyembre, hindi ko mapigilang abangan ang panahong magtataas na naman ng mga iba’t ibang dekorasyon sa USTe.
At kahit unti-unting sumisikip ang mga araw sa paglapit ng finals, mas nanaisin ko pa ring matapos ang lahat, upang tuluyang maramdaman ang malamig na simoy ng hangin na parang yakap na paalalang panahon na ng Pasko.
Ngayong parating na muli ang Pasko, may tatlo akong hiling na sana’y matupad.
Sige na, Lord. Sige na, Santa Claus.
O kung sino man ang kataastaasang tumutupad ng mga hiling sa panahong ito.
Kahit ngayon lang sana, pagbigyan niyo na ako.
Una, sana makasama kang kumain ng puto bumbong sa P. Campa.
Kahit isang beses lang.
Isang araw sana sa Disyembre ay makasama kitang maglakad pauwi mula klase—sabay, hanggang P. Campa.
Kahit pa sobrang daming tao palagi sa daang ito, at kahit anong labis kong pagkabalisa dahil sa kasikipan, lulunukin ko muna ito para lamang makasama ka.
At makakain ng puto bumbong na matagal ko na gustong masubukan.
Pagtapos bumili ay maglalakad tayo pabalik sa USTe, nagtatawanan sa bango ng pagkaing hawak natin sa lagayan nito. Paminsan-minsa’y may mabubunggong mga tao, pero itinatawa na lang natin matapos humingi ng tawad.
Hindi ko alam kung saan ako mas nasasabik—sa bawat kagat ng pagkain na matagal ko nang hinahangad, o sa bawat hakbang kasama ka, naglalakad sa ilalim ng mga dekorasyong unti-unting nagliliwanag.
Iba talaga ang Disyembre. Lalo na pag may pinagsasaluhang pagkain. Lalo na pag kasama ka.
Pangalawa, sana makasama kitang manood ng fireworks sa Paskuhan.
Hindi na muna kita aayain maging Paskuhan date.
Sa susunod na lang siguro, o baka hindi na lang.
Ang mahalaga, makasama kitang tumingala habang sumasabog ang mga kulay sa madilim na langit ng gabing iyon.
Paminsan-minsa’y susulyap ako sa gilid ko para masdan kung paano naglalaro ang mga repleksyon ng fireworks sa mga mata mo.
Kahit sa dulong bahagi ng programa na lang tayo magkita, basta’t naroon ka sa aking paningin habang humuhuni ang musika at naglalaro ang kulay sa paligid, sapat na para maging kumpleto ang gabi.
Umulan man o maputik ang daan, basta’t bawat hakbang ay kasama ka.
Sana mapangako mo sa akin na sasamahan mo akong manood ng fireworks. Kahit ito nalang.
Pangatlo, sana’y makasama kita sa susunod pang mga Disyembre.
Hindi naman siguro masamang mangarap, ‘di ba?
Lalo na’t dalawang Paskuhan nalang ang nalalabi sa akin pagkatapos nito. Dalawang pagkakataong muli kong aabangan ang gabi para maaya kang manood ng fireworks at kumain sa P. Campa. At higit sa lahat, dalawang pagkakataong umaasa pa akong ikaw pa rin ang makakatabi ko.
Pero higit pa sa Paskuhan, ang totoo kong hiling ay maipagdiwang natin ang buong Disyembre.
Hindi ito hiling na para lang sa taon na ito; pakiramdam ko, panghabambuhay na siyang magiging bahagi ng mga dasal ko.
Kung sakaling hindi matupad ang mga hiling ko, mananatili ka pa ring dahilan kung bakit espesyal ang buwan na ito. Hindi mawawala ang lugar mo sa mga alaala ng Disyembreng minahal ko.
Malapit na ang Pasko. At sa dami ng mga ilaw, ingay, at pagbati, ikaw na ang unang sumisilip sa isip ko tuwing darating ang panahong ito.














Comments
Loading comments...
Leave a Comment